Posted on

Release For My Special Valentine Desire Classics

Want to read the story teasers?

Deceive Not My Heart

By Angeli Benjamin

     Gusto nang suntukin ni Brent ang sarili nang pagkatapos ng isang mainit na halik na mauuwi na sana sa kung saan ay hiyang-hiya at namumula ang mukhang tinalikuran siya ni Jade. Hindi niya ito masisisi—may nine-month-old itong anak sa kanyang nakababatang kapatid na si Paco na noon ay naglayas at hindi nila matunton kung nasaan. At ngayong nasa poder na niya ang mag-ina, tinanong niya ang sarili kung tama nga ba ang kanyang ginawa. If only Jade would stop looking so innocent and beautiful.
     Ah… baka imahinasyon lang niya iyon sa pagnanais na inosente pa ito at nakalaan lamang para sa kanya. Ni minsan ay hindi niya kinainggitan si Paco. Ngayon lang.

Your Heart Is Mine

By Pauline Cabrera

     Huling gabi ni Katherine sa poder ng mga Ilustre dahil kinabukasan ay aalis siya para mag-aral ng kolehiyo sa Manila. Sumumpa siya na hindi matatapos ang gabing iyon at malalaman ni Eugene—bunso ng mga Ilustre—ang pag-ibig na matagal na niyang iniingatan sa kanyang puso. Pumuslit siya sa silid nito at sa dilim ay isiniwalat niya ang lihim na damdamin. Sa panghuli, hiningi niyang gawaran siya nito ng halik. Pumikit siya at naramdamang lumapat ang mga labi nito sa kanya. Nang halos hindi na siya makahinga ay saka siya humulagpos at namumula ang mukhang lumisan sa dilim.
     Nag-uumapaw ang ligaya sa kanyang puso, subalit pagkababa niya ng hagdanan ay saka niya nakita sa sala…si Eugene!

Forever Love

By Liz Carbonell

     “Sana mabiyudo ka kaagad,” biro ni Gabriella sa kanyang first love na si Leandro. Hindi naman niya pinangarap na mamatay nga sa isang trahedya ang asawa nitong si Dessna, kaya ganoon na lang ang kanyang guilt lalo na’t parang siya pa ang naging dahilan ng aksidenteng pagkamatay nito.
     Kaya parang katuparan ng lahat ng kanyang mga pangarap ang biglang pagbabalik ni Leandro matapos ng isang taong hindi nila pagkikita. Parang puputok ang kanyang puso sa ligaya nang hilahin siya nito at halikan. Hanggang makita niya ang poot sa nagbabaga nitong mga mata….

Sa Sandaling Kapiling Kita

By Jocelyn Ferrer

     Binulabog ng isang babae ang gabi ng engagement party ni Jeffrey nang magpakilala itong asawa raw niya na pinakasalan eight years before. May dala pa itong marriage contract na pirmado niya! At hindi lang iyon, may anak pa raw siya rito na nagkataon namang kamukhang-kamukha niya! Ngunit nasisiguro niyang noon lamang niya nakita si Monica sa tanang buhay niya; matatandaan niya kung nakarelasyon at pinakasalan ang ganito kagandang babae. Ngunit siya nga ang tunay na ama ng anak nito at may karapatan itong masuklam sa kanya, pero sa ibang kadahilanan….

Magkano Ang Puso Mo?

By Janelle Gomez

     Hindi kailanman inakala ni Jeric na papatol siya sa isang call girl kahit gaano pa ka-high class ito. Pero nang masilayan niya ang beauty ni Bettina Parker, na dapat sana’y i-interview-hin lang niya, hindi na natahimik ang kanyang puso. Obsession na nga sigurong matatawag ang pagkahumaling niya rito, to the point na inalok pa niya ito ng kasal. Di bale nang pagtawanan siya sa mundo ng alta-sociedad na ginagalawan niya.
     Hanggang nagising siya sa katotohanang naging katawa-tawa nga siya… pero sa dahilang napakalayo sa ipinangamba niya.

Mapagkunwaring Puso

By Luisa Quijano

     “I just want this over with, Raphael.”
     “And I want you in my bed, Carina.”
     “Sinabi ko nang hindi puwede,” tiim-bagang na sagot niya. “Kung gusto mong maibalik ang shares sa pamilya mo, I will marry you and sign the prenuptial agreement. Pero walang mamamagitan sa ating dalawa. Those are my terms.”
     Ubod-lamig nitong pinagala ang mga mata sa kabuuan niya.
     “May kailangan ka pa?” taas-kilay na tanong niya.
     Kumurba ang ngiti sa mga labi nito. “Oo,” bulong na sagot nito. “Ito.”
     Dumapo ang halik nito sa kanyang bibig at… nanlambot ang tuhod niya.

Discuss these books and more at our Facebook page!

If you are interested to buy any of these books, please check our online bookshop to see if we have them in stock. Thank you!