Posted on

Release For My Special Valentine!

Want to read the story teasers?

The Wedding Surprise

By Ingrid De La Torre

     Matamis ang ngiti ni Truss Sanchez habang nakatayo sa altar at inaabangan ang kanyang mapapangasawa. Ngunit kaagad iyong napalis nang biglang may sumulpot na estrangherang nakasuot ng traje de boda at sumabay sa bride sa pagmartsa patungong altar.
     “Narito na ako, as promised,” saad nito sa lasing na boses. Nakatayo na ito sa harapan niya at hinawi ang belo pataas.
     Hindi siya nakaimik nang mamalas ang mukha ng babae. Napakaganda nito! Nahipnotismo siya sa taglay nitong alindog.
     “I do…” usal nito. Ikinawit pa nito ang braso sa kanyang leeg at inilapat ang matamis na mga labi sa bibig niya at tila nayanig ang kanyang mundo.
     Ngunit malaking palaisipan ang nananahan sa isip ni Truss kung sino ang babaeng tila Helen of Troy reincarnated na nanggulo sa kasal niya….

Tayong Dalawa

By Kizza Grace

     Dahil sa mga nangyari sa buhay ni Reese, tuluyan na siyang tinabangan sa pakikipagrelasyon. Kung nangyayari man nga ang true love sa totoong buhay, siguro sa iilang masuwerte lang, at hindi siya kasama sa mga iyon. She couldn’t afford another heartache, that’s why she is very casual when it comes to relationships. Mas mabuting manatili na lang siya sa safe side.
     Hindi naiiba si Liam Ortiz sa mga previous relationships niya. Sa unang pagkikita pa lang nila, alam na niyang interesado ito sa kanya at aaminin niya, attracted siya sa binata at kung sakaling makikipaglapit ito sa kanya, she would be willing to entertain him. After all, naroon sila sa isla para magsaya. One night with Liam will not cause any harm at all. Sigurado siya roon. May tiwala si Reese sa sarili na hinding-hindi siya magkakamali.
     Iyon ang akala niya….

Bridge To Your Heart

By Autumn Castillo

     Matapos ang anim na taon, nakita ni Carrie ang sarili na nag-aaktong tulay na naman sa pagitan ng best friend niyang si Colette at ni Helix Saavedra. Noong college sila, pumalpak siya sa role niyang iyon at nagresulta ng matinding kahihiyan sa binata. Pambawi na lang sa guilt niya, pumayag si Carrie sa gusto ng lalaki na ilapit niya ito sa kanyang kaibigan.
     Pero habang gumaganda ang eksena sa pagitan ng dalawang taong malapit sa kanya, siya naman ay naiwang nasasaktan at nanlulumo.
     Mahal na niya si Helix, pero hanggang sa pagiging ‘tulay’ lang yata ang role niya buhay nito….

Sweet Karma

By Anna Loyzaga

     Paiibigin niya uli si Howard at maghihiganti siya sa panloloko nito sa kanya noon. Iyon ang plano ni Angelique. Nagawa na sana niya ang unang step sa plano nang umeksena ang isang Vince Mariano at bigla na lang siyang hinalikan sa harap ng kanyang ex-boyfriend. Nag-propose din ito na pagtulungan nila ang paghihiganti sa dati niyang nobyo, bagaman hindi malinaw kung bakit ito galit kay Howard.
     Nang malaman niya sa wakas ang tunay na dahilan, umiibig na siya kay Vince at dobleng sakit ang nakuha niya.
     Ang bilis nga naman ng balik ng karma….

Miss Independent Falls In Love

By Joanna Paula

     May pagka-intimidating at independent ang aura ng career woman na si Laarni. Tuloy, kahit maganda, matalino at madiskarte siya, wala pa siyang nagiging nobyo.
     Pero hindi umubra ang taray niya sa kaguwapuhan at charming personality ni Isaac De Torres. Kahit pigilin niya, hindi niya maiwasang kiligin sa mga ginagawa nito para sa kanya. Ngunit walang kasiguruhan kung ano ba talaga ang status nila, dahil may isang ‘Honey’ na yata ang binata.
     Bigla, ang Laarni na dati ay walang kinatatakutan ay naduduwag ngayong tuluyang isugal ang puso sa pag-ibig….

The Gift Of Love

By Angela Pangilinan

     Nagkakilala sina Karen at Kiel sa unang araw ng simbang gabi sa Barasoain Church sa Malolos. Unang pagkikita pa lang, nakadama na sila pareho ng matinding atraksyon para sa isa’t isa.
     Sa loob ng siyam na madaling-araw ay umusbong ang pag-iibigan sa pagitan nila. Ngunit may balakid sa kanilang magandang pagtitinginan. Isang seminarista si Kiel, and his top priority is his relationship with God, not his budding romance with Karen. Handa ba itong isuko ang landas tungo sa pagpapari alang-alang sa pag-iibigan nila?
     Kung sana ay ang binata na lang ang regalong inilaan ng Diyos sa kanya ngayong Pasko….

Discuss these books and more at our Facebook page!

If you are interested to buy any of these books, please check our online bookshop to see if we have them in stock. Thank you!